Nagsama-sama ang mga indibidwal at iba’t ibang organisasyon sa pulong ng pagkakaisa na isinagawa sa Quezon City noong Agosto 22 para itatag ang Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica). Tinalakay sa pulong ang mga punto ng pagkakaisa para mailunsad ang isang malawakang kampanyang hihikayat sa mas maraming Pilipino na tutulan ang Pax Silica ng imperyalismong US. Kaakibat ng Pax Silica ang mapangwasak at mapangyurak sa soberanyang mga imprastruktura at proyekto.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang Advocates for Land, Ancestral Rights, and Biodiversity (ALAB) Against Pax Silica, Katribu Kalipunan ng mga Katutubong Mamamamyan ng Pilipinas, grupo ng mga Ayta sa Central Lzuon na Mansaway, League of Filipino Students, mga magsasaka, manggagawa at iba pang sektor. Nasa pulong rin ang mga lider-Ayta ng Tarlac at Pampanga kabilang ang Provincial IP Mandatory Representative ng Tarlac na si Oscar Rivera.
Ang inisyatibang Pax Silica ay isang pakana ng US na itinatag noong Disyembre 2025. Nilahukan ito ng 14 bansa na naglalayong pag-isahin at kontrolin ang supply chain ng artificial intelligence (AI), semikonduktor, at mga tinatawag na “critical minerals” at rare earth elements. Layunin nito na kontrahin ang dominasyon ng China, na sa kasalukuyan ay humahawak sa 90% ng pagproseso ng mga kritikal na mineral sa buong mundo.
Sa balangkas ng inisyatiba, itatayo ng US ang isang economic security zone sa 1,620 ektaryang lupain sa loob ng New Clark City (NCC) sa Tarlac. Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado. Itatayo sa sona ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone.
Pinasinayaan ang pagbubukas ng proyekto noong Mayo 18 kung saan dumating si US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg. Mayroon nang mahigit 20 malalaking kumpanyang Amerikano ang nagsabing mamumuhunan dito. Noong Hulyo, inianunsyo ng rehimeng Marcos na magsisilbing “anchor investor” of pangunahing mamumuhunan sa proyekto ang Foxconn, isang kumpanya sa pagmamanupaktura na nakabase sa Taiwan.
“Bagaman hindi maitatangging isang dambuhalang kalaban ang Pax Silica, patunay ang naging pagtitipong ito na papalawak at papalawak din ang ating hanay na naninindigan laban sa Pax Silica,” ayon sa ALAB Against Pax Silica.
Ayon sa Katribu, kapugay-pugay at dapat kilalanin ang pagkakaisa ng mga katutubong mamamayan, komunidad at mga tagapagtanggol ng kalikasan laban sa mapandambong, mapangwasak at imperyalistang mga proyekto. “Sila ay mga bayani ng ating panahon,” anito.
Ang NO to Pax Silica ay upisyal na ilulunsad ng mga grupo at indibidwal sa Agosto 31, kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa pambansang araw ng mga bayani.
The post Iba’t ibang grupo, nagbuklod sa malapad na pambansang network kontra Pax Silica appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.